Pistahan sa Sta. Eskolastika 2016
Gng. Ciela Blanca L. Del Rosario

 

Natapos na ang buwan ng Agosto ngunit masarap balikan at sariwain ang mga kaganapan sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura. Naging makulay ang mga pasilyo ng paaralan dahil sa mga isinabit na banderitas sa mga pasilyo nito.  Sino ba naman ang hindi mapapaindak sa mga musikang Pilipino na pinatutugtog tuwing umaga at ang harana ng mga kabataan mula sa OPM Covers na umaawit tuwing Biyernes? Talagang maeenganyo kang makinig sa ilang kuwento at tribyang binasa ng mga guro sa Filipino at Araling Panlipunan.  Bukod dito nagkaroon pa ng simple ngunit masayang araw ng kulminasyon noong ika-26 ng Agosto, 2016.

Nag-umpisa ang lahat sa panalangin sa umaga.  Sinundan pa ito ng masayang parada ng makukulay at naggagandahang kasuotang Pilipino ng mga mag-aaral sa Kinder hanggang ikatlong baitang.  Hindi napigil ng malakas na buhos ng ulan ang mga tunog ng tambol ng GS Drumline, na naging hudyat ng parada.  Ang lahat ay nanabik sa iba’t ibang gawain na inihanda ng mga guro sa erya ng Filipino at Araling Panlipunan.  Nariyan ang dugtungan ng kanta, bugtungan, hulaan, pagbuo ng manikang Pilipino at pagguhit ng editoryal kartun.  Nabusog din ang lahat sa iba’t ibang pagkaing Pilipino na inihanda at ibinahagi ng mga mag-aaral sa kanilang kapwa kamag-aral at mga guro.  Ang kasiyahan nay hindi natapos dito dahil nagkaroon pa ng mga palarong Pilipino pagdating ng hapon.  Tunay na hindi malilimutan ang saya na maipagmalaki na ikaw ay isang Pilipino at linangin hindi lamang ang wika bagkus ang kultura ng ating bayan.